Sa linya daw ng aming trabaho, ‘di dapat nag-iisip, sunod lang daw dapat nang sunod.
Kaya lang kung minsan, nabibigyan ng pagkakataon… tulad ngayon.
Kung minsan, naiisip ko, bakit ba may gyera pa sa atin, sa ibang lugar naman wala?
Kung minsan, natatakot ako na baka segunda mano ang mga gamit namin sa trabaho dahil may iba na namang yumaman sa pagbili ng mga ito.
Kung minsan, ang ingay-ingay, pero mas madalas na wala kang maririnig sa kapaligiran.
Kung minsan, nagigising ako ng alanganing oras, hindi ko alam kung may mangyayaring hindi maganda o kailangan ko lang tumayo at maghanda na.
Kung minsan, magtataka ka naman kung bakit ang gaganda ng gamit ng mga kasamahan namin sa trabaho, e pareho lang naman ang sahod namin.
Kung minsan, kailangan rin sigurong aminin na mataas na ang aming natatanggap. Kaya lang naman nagkukulang ay dahil masyado ring tinaas ng iba ang kanilang pangangailangan ng wala sa lugar.
Kung minsan, maiinis ka naman -- kakausapin na lang at papakinggan ang mga sibilyan, pinipili pa na nilang awayin.
Kung minsan, mabibigla ka rin -- napaka-simple ng problema, napaka-kumplikado ang ginagawa nilang solusyon.
Kung minsan, natatanong ko sa sarili ko, bakit ba kami malayo sa aming pamilya samantalang ‘yung iba, lagi naman kasama ang kanilang asawa at mga anak?
Kung minsan, nakakagulat kung bakit kami lapitin ng mga babae. Dahil ba sa mga benepisyong matatanggap kapag may mangyaring ‘di maganda sa amin, o sadyang gwapo lang talaga kami?
Pagpasensyahan ‘nyo na kung nalabas ko ngayon ang aking mga naiisip, susunod din naman ako sa mga utos nila e.
Minsan lang naman ito. #
hanga ako sa inyong mga sundalo...u even sacrifice ur own happiness, family and even life just to preserve peace of our nation...kung minsan lang din hindi maintindihan na kapwa nating Pilipino ang malinis na layunin ng inyong adhikain...sorry sa hindi nakarealize nyan..lucky for me at sa iba na nakakita sa inyong kadakilaan...
ReplyDelete